Napatigagal si Padre Damaso, hindi dahil sa magagandang dalaga. Hindi rin dahil sa Kapitan Heneral at sa mga alalay nito, kundi sa pagpasok ni Kapitan Tiago na hawak pa sa kamay ang isang nakaluksang binata. Humalik ng kamay si Kapitan Tiago sa dalawang pari at magalang na bumati. “Magandang gabi po sa inyo, mga ginoo.”Inalis ng pareng Dominikano ang suot na salamin at sinipat angbinata. Namumutla naman at nanlalaki ang mga mata ni Padre Damaso. “Siya po si Don Crisostomo Ibarra, anak ng namatay kong kong kaibigan,” Pagpapakilala ni Kapitan Tiago. “Kararating lamang niya mula sa Europa, at sinalubong ko siya.” Hindi naikaila ang paghanga ng mga panauhin nang marinig ang pangalan ng binata. Nakalimutan tuloy ni tenyente Guevarra ng guardia civil na batiin si Kapitan Tiago. Nilapitan niya ang nakaluksang binata at sinipat mula ulo hanggang paa. Si Ibarra’y mataas kaysa karaniwan, malusog, mukhang edukado. Magiliw ang kanyang mukha at kasiya-siyang kumilos. Kababakasan iyon ng lahing kastila. Kayumanggi ang kanyang balat ngunit mamula-mula ang kanyang pisngi. “A!” may pagtataka ngunit masayang bati ni Ibarra. “Sila ang kura sa aking bayan. Matalik na kaibigan ng aking ama si Padre Damaso!” Nalipat ang tingin ng lahat kay Padre Damaso. “Hindi ka nagkamali!” agaw ng prayle. “Pero, kailanman ay hindi ko naging kaibigang matalik ang iyong ama.” Iniurong ni Ibarra ang iniabot niyang kamay sa pari. Nagtatakang tinitigan ang kausap. Tumalikod upang harapin ang pormal na anyo ng tenyenteng nakatingin sa kanya.
Hango sa Noli Me Tangere
No comments